Talumpati ni Mayor Lyndon M Bruce sa Graduation Ceremony ng Wrema Learning Center ngayong Hulyo 8, 2023.






 Talumpati ni Mayor Lyndon M Bruce sa Graduation Ceremony ng Wrema Learning Center ngayong Hulyo 8, 2023.

"Ang sabi ng matatanda, ang edukasyon ay isang kayamanan na hindi mananakaw ninuman. Iyan rin ang sabi ng aking ina na dating isang guro. Lagi niya noong sinasabi sa aming magkakapatid, na mag-aaral kaming mabuti sapagkat iyon lamang ang kanilang maipamamana sa amin. At masasabi kong tama nga ang aking mga magulang. Kung hindi dahil sa kanila ay hindi namin nakakamtam ang tagumpay sa kasalukuyan. Sila rin ang dahilan kung bakit may Mayor Lyndon M. Bruce na nasa harapan ninyo ngayon. Kaya naman ang araw na ito ay araw rin ng pagkilala sa mga sakripisyo ng mga magulang na naririto ngayon. Nawa'y kahit gaano kahirap ang buhay, lagi ninyong itataguyod ang pag-aaral ng ating mga anak sapagkat iyan ang magiging pasaporte nila upang makamit ang tagumpay.
Sa mga mag-aaral na magsisipagtapos ngayong araw na ito, tulad ninyo, ako ay nagtiis rin ng hirap makapagtapos lamang ng pag-aaral. Naranasan ko na makitira sa bahay ng aking tiyahin sa Maynila. Masyadong malaki ang gastos noon ng aking mga magulang dahil marami kaming pinag-aaral nang sabay-sabay. Subalit alam n'yo ba, marami akong narealize na sa tingin ko ay makatutulong rin sa inyo habang kayo ay mga bata pa lamang.
Unang-una ay piliin ninyo ang inyong magiging mga kaibigan. Ang inyong mga kabarkada ang maaaring makatulong o makasira sa inyong mga pangarap. Kaya pumili kayo ng mga kaibigang tutulungan kayong marating ang isang magandang bukas.
Ikalawa, samahan natin ng dasal ang anumang ating ginagawa. Sabi nga ng isang kasabihan, " Nasa Diyos ang Awa, nasa Tao ang Gawa". Nagsimula rin ako bilang isang karaniwang empleyado subalit dahil sa sipag at tiyaga, at higit sa lahat ay taimtim na panalangin, unti-unting nagkaroon ng katuparan ang aming mga mithiin sa buhay.
Ikatlo, anuman ang inyong marating sa buhay, lagi ninyong tatandaan na maging mapagpakumbaba. Ang nagpapakumbaba ay itinataas. Masarap sa pakiramdam na gumaganda ang ating buhay at dumarami ang ating mga natutulungan. Makakaasa kayo na kapag bukas ang inyong palad sa mga nangangailangan, lalong dadaloy ang maraming biyaya sa inyong buhay.
Sa kasalukuyan, bilang ama ng bayan ng Laurel, makakaasa kayong buo ang suporta ng ating administrasyon sa larangan ng Edukasyon. Patunay niyan ang puspusan nating pagsasaayos ng ating Colegio de Laurel. Darating ang panahon, marami nang mga kabataang Laureleño na magiging propesyunal na guro, pulis at negosyante.
Kaya naman mga kababayan, patuloy tayong magkaisa. Sama-sama nating wakasan ang kahirapan. Gamitin nating sandata ang edukasyon!Ang edukasyon ang huhulma ng susunod na mga lider ng ating bayan. Kaya hayaan ninyong pasalamatan ko rin lahat ng mga brgy. Officials na kasama natin sa pakikibakang ito. Maraming salamat rin sa suporta ng ating mga mahal na PTA officers.
Sa ating pagtutulungan, tiyak na tayo ay makabubuo ng pamayanang maka-Diyos, may puso para sa mga nangangailangan, at may malasakit sa bayan!"

Post a Comment

0 Comments